Inaarayan ng ilang konsyumer sa San Carlos City, ang emergency power interruption kahit ilang minuto lamang dahil sa matinding init ng panahon, na malaking abala para sa mga pamilya na may inaalagaang bata at nakatatanda.
Kahapon, May 14, napabilang sa mga apektado ng emergency power interruption ang Brgy.Balite Sur sa San Carlos City, dahil sa natukoy na humming o vibration sa Main Feeder sa Bayambang Sub-Station.
Ayon sa ilang residente, malaking abala umano ang pagkawala ng kuryente, kahit sandali, lalo na tuwing gabi ngayong tag-init dahil kawasa ang mga bata at matatanda.
Samantala, kinilala naman ang gampanin ng barangay upang manatiling handa at alerto sa pagresponde sa mga emergency na posibleng maidulot ng pagkaantala ng kuryente.
Ayon sa CENPELCO, manipis na umano ang pinagkukunan o generated power kaya limitado ang kapasidad ng suplay ng kuryente sa kasalukuyan. Dahil dito, wala pa rin umanong katiyakan kung kailan magiging normal muli ang distribusyon ng kuryente sa mga apektadong lugar.
Nilinaw din na walang karagdagang bayarin o penalties para sa mga konsyumer na maaaring hindi agad makabayad ng kanilang electricity bill dahil sa sitwasyon.
Tiniyak din ng ahensya na nananatili silang aktibo sa pagbibigay ng agarang abiso kaugnay ng suplay ng kuryente sa lalawigan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣




