Friday, May 15, 2026

ROTATIONAL BROWNOUT, NARANASAN SA ILANG BAHAGI NG PANGASINAN DAHIL SA MANIPIS NA SUPLAY NG KURYENTE

Naantala ang serbisyo ng kuryente sa ilang bahagi ng Pangasinan kahapon, Mayo 14, bunsod ng pagnipis ng suplay ng kuryente mula sa National Grid Corporation of the Philippines (NGCP), na nagresulta sa pagsasailalim sa Red at Yellow Alert status ng Luzon Grid.

Mula kahapon, diretso ang abiso ng mga eletric service providers sa lalawigan upang mapaghandaan ng mga konsyumer ang pagkaantala sa serbisyo na ipinatupad sa magkakaibang oras.

Batay sa datos ng NGCP, nasa 12,464 megawatts (MW) lamang ang available capacity habang 12,877 MW ang peak demand, dahilan upang umabot sa 4,459 MW ang hindi available sa grid.

Isinailalim sa Yellow Alert ang sistema mula 2:00 PM hanggang 3:00 PM at mula 10:00 PM hanggang 12:00 MN, habang ipinatupad ang Red Alert mula 3:00 PM hanggang 10:00 PM.

Dagdag ng tanggapan, kabilang sa mga sanhi ng pagbaba ng suplay ang 15 power plants na nasa forced outage mula Mayo, isang planta mula Abril, tatlo mula Marso, apat mula Enero, tatlo mula 2025, dalawa mula 2024, at isang planta na offline mula 2019, gayundin ang 14 pang planta na tumatakbo sa derated capacities.

Patuloy na mino-monitor ng mga awtoridad ang sitwasyon upang matiyak ang katatagan ng suplay ng kuryente at maiwasan ang mas malawak na epekto sa mga konsyumer. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments