
Tiniyak ng Overseas Workers Welfare Administration – Repatriation Assistance Division (OWWA-RAD) na mabibigyan ng tulong pinansyal ang mga umuwing Pinoy seafarers na pinalaya ng Houthi rebels.
Bukod dito, sasailalim din sa counseling at stress debriefing ang Pinoy seafarers para sa kanilang mabilis na pagrekober mula sa kanilang sinapit na karanasan sa kamay ng Houthi rebels.
Patuloy rin ang pakikipag-ugnayan ng OWWA sa Sea Power Shipping Enterprises Inc, ang manning agency ng mga Filipino seafarers habang sila ay sumasailalim sa physical and mental examination.
Bahagi pa rin anya ito para sa kanilang paghahanda sa pagbalik sa kani-kanilang mga pamilya sa iba’t ibang probinsya.
Tiniyak din ng OWWA ang patuloy nilang pagsubaybay sa recovery period ng seafarers dahil sa epekto ng isang taong pagkakabihag.
Maaari ding mag-avail ang Pinoy crew ng OWWA Seafarers Upgrading Program (SUP) at Skills for Employment Scholarship Program (SESP) para paigtingin ang kanilang mga kaalaman bilang Seafarers kung sakaling sila ay handa na muling magtrabaho sa barko.