
Nananawagan ang Philippine National Police (PNP) sa publiko na maging mas maingat sa kanilang mga online transactions dahil inaasahang sasamantalahin ng mga scammer ang pagtaas ng aktibidad ng mga mamimili sa panahon ng Pasko.
Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., gagawin ng scammers ang lahat ng oportunidad para manloko ng publiko lalo na at papalapit na ang holiday season.
Dahil dito nanawagan si Nartatez sa publiko na maging mapagmatyag at iberipika muna bago gumawa ng anumang transaksyon lalo na sa online.
Ayon pa kay Nartatez, patuloy na pinapalakas ng mga concerned police units partikular na ang Anti-Cybercrime Group ang kanilang mga hakbang para matugunan ang mga scams na lalong sumusulpot ngayong malapit na ang panahon ng holiday season.
Hinimok din ng Top Cop ang mga indibidwal na nabiktima ng mga mapanlinlang na pakana na agad na iulat ang mga insidente sa mga awtoridad para agarang maimbestigahan ang mga kaso at tugisin ang mga responsable.










