PANGASINAN, NANGUNGUNA SA LEPTOSPIROSIS CASES SA ILOCOS REGION; DAGUPAN MAY ANIM NA NAITALA

‎Nanguna ang Pangasinan sa naitalang kaso ng leptospirosis sa buong Ilocos Region, habang anim na kaso naman ang naitala sa Dagupan City, dahilan upang paigtingin ang paalala ng Department of Health (DOH) laban sa paglusong at hindi kinakailangang pagkontak sa tubig-baha.
‎
‎Batay sa datos ng Regional Epidemiology and Surveillance Unit, umabot sa 46 ang kaso ng leptospirosis sa Pangasinan mula Juanuary 1 hanggang August 8, 2026.
‎
‎Nasa kabuuang 85 kaso ang naitala sa rehiyon kung saan kabilang rin dito ang anim na kaso sa Dagupan City, habang nakapagtala ng 13 kaso ang La Union, 12 ang Ilocos Norte, at anim ang Ilocos Sur.
‎
‎Mas mababa umano ito kumpara sa naitala sa kaparehong panahon noong nakaraang taon.
‎
‎Ayon sa DOH Ilocos Region, may panganib ang pagkakalantad sa tubig-baha, lalo na kung may sugat o anumang pagkasira sa balat.
‎
‎Ang bacteria na nagdudulot ng leptospirosis ay maaaring makapasok sa katawan sa pamamagitan ng mga sugat o iba pang bukas na bahagi ng balat.
‎
‎Karaniwang nauugnay ang sakit sa tubig o lupang kontaminado ng ihi ng mga infected na hayop, partikular na ng daga.
‎
‎Dahil dito, muling pinaalalahanan ng DOH ang mga residente ng Pangasinan at Dagupan City na iwasang lumusong, maglakad, o magkaroon ng hindi kinakailangang kontak sa mga binahang lugar. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣
Facebook Comments