Gaganapin sa Pangasinan ang isang regional activity ng FARM Philippines sa darating na Agosto 18 hanggang 19, 2026.
Ito ay matapos ianunsyo na isasagawa ang Regional Knowledge Transfer Workshop and Stakeholder Engagement sa pakikipagtulungan ng FARM Philippines at ng Local Government Unit of San Fabian sa lalawigan.
Batay sa ulat, tinatayang 17 local experts ang sasama sa training tungkol sa neem-based biopesticide. Kabilang dito ang aktuwal na demonstration sa pag-aani, paggawa at tamang paggamit nito sa bukid.
Tuturuan din ang mga magsasaka tungkol sa Integrated Pest Management (IPM), mga available na financing opportunity, at paggawa at wastong paggamit ng low-cost neem-based biopesticides sa pamamagitan ng San Fabian Organic Farmers & Fisherfolk Association, Inc. (SOFFAI).
Bahagi ang aktibidad ng Financing Agrochemical Reduction and Management (FARM) initiative na isinasagawa sa pitong bansa ng Global Environment Facility (GEF).
Sa Pilipinas, pangungunahan ng DOST-PCAARRD at United Nations Industrial Development Organization (UNIDO) ang proyekto kasama ang iba pang partners.
Inaasahang magsisilbing venue ang Pangasinan para sa pagpapalitan ng kaalaman at praktikal na pagsasanay sa paggamit ng mga alternatibong pesticides. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










