Tatlong wanted persons, kabilang ang isang nakalistang Top 4 Regional at City Most Wanted Person, ang naaresto ng Dagupan City Police Office (DCPO) sa magkakahiwalay na manhunt operations noong September 14, 2026.
Pinangunahan ni City Director PCOL Arnold P. Solomon ang kampanya ng DCPO laban sa mga wanted na indibidwal, na nagresulta sa tatlong magkakahiwalay na pag-aresto sa lungsod.
Unang naaresto dakong alas-5:30 ng hapon ang isang 57 anyos na babaeng caregiver na residente ng San Fabian, Pangasinan.
Isinilbi ng mga tauhan ng Police Station 4, katuwang ang City Intelligence Unit (CIU) at City Investigation and Detective Management Unit (CIDMU), ang warrant of arrest laban sa kanya dahil sa paglabag sa Article 308 o Theft ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 10951.
Itinakda sa ₱10,000 ang piyansa para sa kaso.
Dakong alas-8:10 naman ng gabi, isang 27 anyos na lalaking shipper ang dinakip ng mga tauhan ng Police Station 1 kasama ang CIU at CIDMU. Nahaharap siya sa kasong Sexual Assault na may kaugnayan sa Section 5(b) ng Republic Act No. 7610, na may inirekomendang piyansang ₱200,000.
Samantala, dakong alas-9:30 ng gabi, naaresto ng magkasanib na puwersa ng Police Station 5, kasama ang CIU at CIDMU, ang isang 68 anyos na lalaking fishpen caretaker.
Ang suspek ay nakalista bilang Top 4 Regional at Top 4 City Level Most Wanted Person. Naaresto siya sa bisa ng warrant of arrest para sa tatlong bilang ng Rape, dalawang bilang ng Statutory Rape, at Sexual Assault. Walang inirekomendang piyansa para sa mga naturang kaso.
Ayon sa DCPO, gumamit ang lahat ng operating units ng Alternative Recording Devices (ARD) o Body-Worn Cameras bilang pagsunod sa itinakdang operational protocols.
Dinala ang mga naarestong suspek sa kani-kanilang police station para sa kaukulang dokumentasyon at kasalukuyang nakapiit sa Dagupan CPO Custodial Facility sa ABF West, Poblacion Oeste, Dagupan City, habang hinihintay ang disposisyon ng korte. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








