Hindi lamang ganda at husay sa pagdidisenyo ang ipinamalas ng isang fashion designer mula Urdaneta City sa isang international fashion event sa Malaysia—kundi maging ang makulay na kultura, talento, at malasakit ng mga Pilipino.
Taas-noo at buong pagmamalaking iwinagayway ni Filipino fashion designer Glademir Echavarre, tubong Urdaneta City, ang bandila ng Pilipinas sa Precious of Malaysia Citroloka 2026, kung saan kabilang siya sa walong Filipino designers na lumahok sa Southeast Asian Fashion Festival.
Sa kaniyang pagsalang sa fashion show, tampok ang kaniyang modernong Filipiñana designs na tinawag niyang “ILOCCA COLLECTION.”
Hindi lamang basta kasuotan ang nais ipakita ni Echavarre. Sa kaniyang koleksiyon, nais niyang ipaalala na ang Filipiñana ay hindi lamang para sa mga espesyal na okasyon.
Para sa kaniya, ang Filipiñana ay bahagi ng ating pagkakakilanlan—isang kasuotang maaari at nararapat na maging bahagi ng ating pang-araw-araw na buhay.
Ngunit higit pa sa kaniyang sariling likha ang dala ni Echavarre sa international stage.
Kasama rin sa kaniyang ipinakilala ang “Bags of Hope,” mga bayong na likha ng Persons Deprived of Liberty o PDLs ng Urdaneta City Bureau of Jail Management and Penology.
Maaari sanang sariling mga likha lamang niya ang dalhin sa Malaysia, ngunit pinili ni Echavarre na bigyang-daan ang mga produktong may kuwento at may layuning magbigay ng pag-asa.
Sa pamamagitan ng Bags of Hope, nais niyang maibahagi sa mas malawak na mundo ang talento at pagsisikap ng mga PDL, at maipakita na sa likod ng bawat produkto ay may mga taong patuloy na nangangarap, lumilikha, at umaasang makapagsisimula muli.
Sa entablado ng pandaigdigang fashion, hindi lamang tela, disenyo at estilo ang kaniyang ipinamalas.
Dala niya ang kuwento ng mga Ilokano, ang yaman ng kulturang Pilipino, at ang mensahe na ang sining at fashion ay maaaring maging daan upang magbigay ng pagkakataon, inspirasyon, at pag-asa.
Sapagkat pagdating sa sining at fashion, tunay ngang kay sarap sabihin na ikaw ay Pilipino—malikhain, may malasakit, at hindi kailanman mag-aatubiling itaas at ipagmalaki ang sariling atin. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








