Sa Bagong direktiba ng Acting Provincial Director ng Philippine National Police Pangasinan, tiniyak nito ang mas maayos, mas magalang, at mas responsableng serbisyo ng kapulisan sa buong lalawigan, hakbang na layong palakasin ang tiwala ng publiko at mas mapanatili ang kaayusan at seguridad sa komunidad.
Iginiit ni Officer-in-Charge ng Pangasinan Police Provincial Office (PPO), PCol Dennis L. De Leon, na paiigtingin sa ilalim ng kaniyang pamumuno ang pagsubaybay sa mga kapulisan sa buong lalawigan upang matiyak na maayos nilang nagagampanan ang kanilang tungkulin at naipapakita ang paggalang at respeto sa mga mamamayang nangangailangan ng tulong.
Ayon kay De Leon, mahalagang mapanatili ng mga pulis ang propesyonalismo, integridad, at malasakit sa serbisyo publiko upang higit pang mapalakas ang tiwala ng mamamayan sa kapulisan.
Dagdag pa niya, mas magiging madali para sa publiko ang paglapit at paghingi ng tulong sa mga himpilan ng pulisya sakaling magkaroon ng insidente o emerhensiyang nangangailangan ng agarang aksyon ng mga awtoridad.
Hinimok din ni De Leon ang mga residente na makipagtulungan sa mga programa ng Pangasinan PPO at agad na iulat ang anumang insidente upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa lalawigan. Aniya, maaari ring magsumbong ang mga mamamayan laban sa sinumang pulis na mambabastos, aabuso sa kapangyarihan, o hindi magbibigay ng maayos at nararapat na serbisyo upang agad itong mabigyan ng kaukulang aksyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣







