Tubong Urdaneta City si Captain Raymart F. Cabangcala na kabilang sa apat na nasawing piloto ng Philippine Air Force nang bumagsak ang dalawang training aircraft habang nagsasagawa ng training flight sa Lipa City, Batangas noong October 23, 2026.
Isa sa nagpapatunay ng mabuting pagkatao ng nasawing piloto si Sir Basbas Rene, na siyang naging malapit na guro nito noong estudyante pa sa Catablan Integrated School.
Mabait aktibo at matalinong estudyante umano si Captain Raymart kung saan pambato nila sa mga writing contest at nagtapos bilang Valedictorian sa nasabing paaralan.
Nang magtapos sa pag-aaral ay nagpatuloy ang pakikipag-ugnayan nito sa pinasukang paaralan at nagbibigay ng tulong kung kinakailangan.
Sa kasalukuyan, ayon sa ibinahagi ng pamilya, nakaburol ang labi ng piloto sa Villamor Airbase Mortuary hanggang October 29.
Inaasahan naman iuwi ang mga labi nito sa Barangay Catablan, Urdaneta City sa araw ng Biyernes, October 30, 2026.
Samantala, nagpahayag naman ng pagdadalamhati ang Philippine Air Force at kinilala ang serbisyo at sakripisyo ng mga nasawing piloto at nakipag-ugnayan na sa kanilang mga pamilya upang magbigay ng kinakailangang tulong.
Kasalukuyang nagsasagawa ng imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng pagbagsak, habang pansamantalang ipinahinto ang pagpapalipad sa lahat ng SF-260 aircraft bilang pag-iingat at upang matiyak ang kaligtasan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








