Tuesday, October 27, 2026

Pagtitipon ng grupo ng mga kabataan sa mga sementeryo, ipagbabawal ng Parañaque LGU sa Undas

Parañaque Public Cemetery | PHOTO BY MICHAEL DALOGDOG

Ipagbabawal ng lokal na pamahalaan ng lungsod ng Parañaque ang pagtitipon o pagtatambay ng mga kabataan sa mga sementeryo ngayong Undas 2026.

Partikular na tutukuyin ang mga kabataang hindi talaga bibisita sa mga yumao nilang kaanak, kundi magkukumpulan lamang sa isang bahagi ng sementeryo, tulad ng nangyari noon sa Manila Memorial Park-Sucat.

Nabatid na ilang kabataan ang tumambay lamang sa nasabing sementeryo at inireklamo dahil sa sobrang ingay.

Bukod dito, pagbabawalan naman ang mga bisita na magdala ng lahat ng uri ng instrumentong pangmusika, lalo na ang mga speaker at karaoke.

Una nang inanunsyo ng Parañaque LGU na ipagbabawal nito sa sementeryo ang lahat ng uri ng sandata at patalim.

Humihingi naman ng kooperasyon at pag-unawa ang lokal na pamahalaan sa mga residente ng Brgys. BF Homes, San Antonio, at San Dionisio dahil sa inaasahang pagbigat ng trapiko sa mga kalsada sa kanilang lugar.

Facebook Comments