Panghihimasok ng China sa halalan ng bansa, pagyurak sa ating demokrasya

Paghamak sa demokrasya ng Pilipinas ang anumang panghihimasok ng dayuhan sa bansa lalo na sa papalapit na 2025 midterm elections.

Ito ang inihayag ni Senator Joel Villanueva matapos isiwalat sa pagdinig ng Senado na mayroong indikasyon ng pakikialam ang China sa darating na halalan para matiyak na mananalo ang mga kandidatong kanilang sinusuportahan habang sisirain naman ang mga tumutuligsa sa kanila.

Hiniling ni Villanueva sa National Security Council (NSC) na magsagawa ng malalimang threat assessment kaugnay rito.

Aniya, kinakailangang protektahan ang integridad ng ating halalan at depensahan ang bansa sa lahat ng pagkakataon.

Una nang kinumpirma ni NSC Assistant Director General Jonathan Malaya sa pagdinig ng Senate Special Committee on Maritime and Admiralty Zones na may mga indikasyon na nanghihimasok ang China para sa papalapit na halalan.

Facebook Comments