Pangulong Duterte, muling nilinaw na walang ie-endorsong kandidato sa pagka-pangulo sa darating na 2022 eleksyon

Walang i-eendorso si Pangulong Rodrigo Duterte na kandidato sa pagka-pangulo sa darating na 2022 national election.

Ito ang muling nilinaw ni Pangulong Duterte sa isinagawang one-on-one interview sa kanya ni Communications Secretary Martin Andanar sa malakanyang.

Ayon sa pangulo, wala siyang susuportahang kandidato sa presidential election maliban na lamang kung interes na ng taong bayan ang nakasalalay.


Aminado ang pangulo na may mga kumausap sa kanya at nagpadala pa ng emisaryo ngunit buo ang kanyang paninindigan.

Paglilinaw pa ni Duterte, mas gusto niyang maging neutral kahit pa suportado ng kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte ang running mate nito na si Bongbong Marcos.

Sinabi ng pangulo, hindi nila pinag-uusapan ng anak ang politika dahil hindi ito maganda sa pagitan ng ama at anak.

Sa kabila nito, sinabi ng pangulo na suportado naman niya at ine-endorso ang senatorial slate ng PDP-laban faction.

Facebook Comments