Saturday, September 19, 2026

Panibagong school shooting sa South Cotabato, kinondena ng mga senador

Kinondena ng mga senador ang panibagong school shooting incident sa Banga National Highshool sa Banga, South Cotabato kung saan ilang estudyante ang nasawi at marami ang sugatan.

Giit ni Senator Risa Hontiveros, hindi ito dapat maging normal sa mga paaralan at kailangang tugunan ang lahat ng aspeto ng mga bata pagdating sa mental health, parental supervision, gun access school security at nihilistic violent extremism (NVE).

Punto ni Hontiveros, panimulang hakbang ang Sagip Bata Act subalit hindi magiging sapat ang isang batas lamang kundi kailangang kumilos ng gobyerno para masalba ang mga kabataan.

Nanawagan naman si Senator Bam Aquino sa pamahalaan na madaliin ang pagtiyak na ligtas ang mga paaralan at mga komunidad para sa ating mga estudyante at guro sabay giit na hindi dapat masanay na nangyayari ang karahasan sa mga eskwelahan.

Idiniin ni Aquino na mapanagot agad sa batas ang nagpabaya na magamit ang baril sa karahasan.

Sinabi naman ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na kailangang maunawaan ang ugat ng sunod-sunod na pamamaril sa mga paaralan.

Diin ng senador, kailangang malaman at maunawaan ang sitwasyon bago matulungan na maresolba ang karahasan na nangyayari sa mga paaralan.

Nanawagan naman si Senator Loren Legarda sa Department of Education (DepEd), Philippine National Police (PNP), Department of the Interior and Local Government (DILG) at sa mga awtoridad na alamin kung papaanong ang baril na ginamit sa krimen ay naipasok ng estudyante sa paaralan.

Facebook Comments