
Tutungo sa South Cotabato ngayong umaga si Department of Education o DepEd Secretary Sonny Angara kasunod ng shooting incident sa Banga National High School na ikinasawi ng ilang estudyante.
Ayon sa opisyal, makipagpulong ito sa mga lokal na opisyal ng pamahalaan, mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) at mga kinatawan ng DepEd sa lugar.
Personal ding bibisitahin ni Secretary Angara ang Banga National High School at dadalawin ang mga sugatang mag-aaral na kasalukuyang ginagamot sa mga lokal na ospital.
Kung maalala, kahapon nang maganap ang shooting incident na ikinamatay ng tatlong estudyante at ikinasugat ng anim na iba pa.
Naganap ang insidente sa isang silid aralan ng Banga National High School sa Barangay Benitez dakong ala-1:15 ng hapon.
Ayon kay South Cotabato Governor Reynaldo Tamayo Jr, kinilala ng PNP ang gunman na isang Grade 9 pupil na binaril din ang sarili gamit ang 9mm Glock pistol matapos pagbabarilin ang kanyang mga kaklase.
Lumalabas na miyembro ng local gun club ang ama ng student-shooter at ang estudyante ay miyembro ng Internet community na naglalaro ng mga online games gamit ang baril.










