Ipinagbawal na ng lokal na pamahalaan ng Sison ang pagpasok ng mga buhay na baboy sa bayan simula Oktubre 13, 2026.
Sa ilalim ng Executive Order No. 10-38, Series of 2026, sakop ng pagbabawal ang lahat ng buhay na baboy na manggagaling sa ibang bayan o lungsod.
Nakatakda itong ipatupad hanggang baguhin o bawiin ito sa pamamagitan ng panibagong kautusan.
Batay sa executive order, regular na susuriin ang sitwasyon ng ASF at isasaalang-alang ang national measures bago magpasya kung ipagpapatuloy ang pagbabawal.
Ang sinumang lalabag sa kautusan ay iuulat sa mga kinauukulang awtoridad para sa imbestigasyon at kaukulang aksyon.
Makikipag-ugnayan naman ang LGU sa Provincial Veterinary Office at Department of Agriculture–Bureau of Animal Industry para sa mga hakbang laban sa ASF.
Matatandaang nagpatupad din ng mga restriksiyon sa pagpasok at paglabas ng buhay na baboy at mga produktong baboy ang ilan pang bayan sa Pangasinan tulad ng Bayambang, Aguilar at Bautista. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








