
Tinalakay na sa plenaryo ang panukalang batas na naglalayon na gawing limang taon ang isang termino ng Barangay at Sangguniang Kabataan officials at ang pagpapaliban ng Barangay at SK elections na nakatakda sa darating na November 2.
Inendorso ng Senate Committee on Local Government at pirmado ng 16 na senador ang committee report na iniakda ni Senator Chiz Escudero.
Sa sponsorship speech para sa Senate Bill 2387, sinabi ni Escudero na ayon mismo sa stakeholders, pinaka-angkop ang limang taon para sa panunungkulan ng Barangay at SK officials kaysa sa kasalukuyang apat na taon.
Tinukoy dito na ang mga barangay at SK officials ang planners, implementers o tagapagpatupad, first responders, peacekeepers, conciliators at frontline service providers sa mga komunidad.
Dagdag pa ni Escudero hindi ito ang unang beses na gagawing 5-taon ang termino ng barangay officials, dahil naging limang taon din ito sa Republic Act 6653 noong May 6, 1988 at sa Republic Act 8524 na naging batas noong February 14 1998.
Dahil palalawigin ang termino, ipinauurong ang nakatakdang November 2 BSKE sa ikalawang Lunes ng Nobyembre 2028, sa halip na sa nalalapit na Undas.










