Wednesday, August 26, 2026

Extradition ni Pastor Apollo Quiboloy, patuloy pang sinusuri — Malacañang

Patuloy pang pinag-aaralan ng pamahalaan ang extradition request ng Estados Unidos kay Pastor Apollo Quiboloy.

Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, hindi pa tapos ang Department of Justice (DOJ) sa pagsusuri sa mga dokumentong isinumite ng US kaugnay ng kahilingan.

Marami pa aniyang dokumento ang kailangang busisiin bago makapagbigay ng rekomendasyon sa Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Kabilang sa tinitingnan ng DOJ kung tama ang pagkakakilanlan sa taong hinihiling na ipa-extradite at kung ang mga kasong kinakaharap ni Quiboloy sa US ay mga krimen ding may kaukulang parusa sa Pilipinas.

Wala pa ring pinal na desisyon ang pangulo sa ngayon.

Una nang sinabi ng Palasyo na maaaring malaman ang magiging desisyon sa loob ng ilang linggo, matapos dumaan sa proseso na naaayon sa batas.

Facebook Comments