Panukalang idaos ang unang BARMM elections sa Oktubre, lusot na sa Senado

Lusot na sa ikatlo at huling pagbasa sa Senado ang Senate Bill 2942 na layong idaos ang unang Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) elections sa Oktubre 2025.

Sa botong 18 pabor, isang tutol, at wala abstention ay naaprubahan ang panukalang pagpapaliban sa BARMM elections na dapat sana’y sabay sa 2025 midterm elections sa Mayo.

Matapos maipasa sa Senado ay isasalang naman ang panukala sa bicameral conference committee upang pagkasunduin kung aling bersyon ng dalawang kapulungan ang susundin.


Sa bersyon ng Senado ay limang buwan na election postponement ang isinusulong habang sa bersyon ng Kamara ay isang taon.

Naunang sinabi ni Senate President Chiz Escudero na layunin ng pagpapaliban ng BARMM Elections ang pagbibigay ng sapat na panahon para sa seguridad sa rehiyon oras na magsagawa ng eleksyon at ang pagsasaayos ng Bangsamoro Transition Authority (BTA) sa 7 bakanteng upuan na maiiwan mula nang desisyunan ng Korte Suprema na alisin ang Sulu sa BARMM.

Facebook Comments