
Nanindigan ang Philippine National Police (PNP) na iisa lamang ang kanilang hangarin ng Commission on Elections (Comelec) at ‘yon ay ang pagkakaroon ng mapayapa at ligtas na 2025 midterm elections.
Ito ang sinabi ni PNP Spokesperson at PRO3 RD PBGen. Jean Fajardo makaraang magbabala ang komisyon na maaaring maalis ang Pambansang Pulisya bilang kanilang deputized agency sa halalan kung patuloy na ipatutupad ang Oplan Katok.
Sa katunayan ani Fajardo, magkakaroon ng pagpupulong bukas ang PNP at Comelec upang pag-usapan ang naturang usapin.
Maglalabas aniya sila ng guidelines sa pagpapatupad nito upang matiyak na hindi matatapakan ang karapatan ng mamamayan.
Kasunod nito, tiniyak ni Fajardo na tatalima ang Pambansang Pulisya anuman ang maging desisyon sa pagpupulong.
Una nang sinabi ni PNP Chief PGen. Rommel Marbil na malinis ang layunin ng Oplan Katok at ito ay para masugpo ang pagkalat ng illegal fire arms na pupwedeng magamit sa nalalapit na eleksyon.