Pag-ambush kay Magsasaka Party-list First Nominee Lejun dela Cruz, iniimbestigahan na rin ng CHR

Pumasok na rin ang Commission on Human Rights (CHR) sa nangyaring bigong pananambang sa Cainta, Rizal kay Magsasaka Party-list First Nominee Lejun dela Cruz.

Ayon sa CHR, nagpadala na sila ng investigation team upang imbestigahan ang kaso ni Dela Cruz.

Nauna nang sinabi ng Magsasaka Party-list na ang posibleng state sponsored ang pagtatangka sa buhay ni Dela Cruz.


Maikukumpara kasi umano ang nangyari kay Lejun sa mga naitatalang kaso ng pagdukot at pagpatay sa mga aktibistang lumalaban para sa karapatan ng mga magsasaka.

Hindi aniya katanggap-tanggap ang naging dahilan ng mga pulis sa pag-aresto sa kaniya lalo na’t sakop ng immunity from suit si Lejun dahil sa peace agreement ng pamahalaan at Revolutionary Proletarian Army-Alex Boncayao Brigade (RPA-ABB) kung saan abswelto sa mga kaso ang mga nagkakaso bago ang taong 2000.

Inaalam din ng party-list kung konektado sa nakaraan at adbokasiya ni Dela Cruz ang nangyaring pag-ambush dito kung saan malalaking tao ang nakalaban nito ukol sa lupa ng mga magsasaka.

Facebook Comments