
Kinumpirma ni Senator Ronald Bato dela Rosa na may natanggap siyang impormasyon na pagkatapos ng sesyon ngayong hapon ay aarestuhin na siya ng mga awtoridad.
Sa Facebook live ng senador ngayong hapon, sinabi niya na may impormasyon na may mga pupunta ngayon sa Senado para siya ay arestuhin.
Umapela ng tulong ang senador sa mga taga-suporta at hiniling na huwag pumayag na may panibagong Pilipino ang aarestuhin nanaman ng ICC at dadalhin sa The Hague.
Hinimok din ng senador ang mga supporters na magtungo dito sa Senado at magsagawa ng vigil para harangin ang nakaambang na pagaresto sa kanya.
Samantala, nilinaw naman ni Office of the Sergeant-at-Arms Mao Aplasca na wala pa silang natatanggap na impormasyon at koordinasyon mula sa mga law enforcement agencies tungkol sa umano’y pag-aresto kay Sen. Bato.
Sa ngayon aniya ay nananatiling nasa elevated alert level ang Senado na pareho noong Lunes kung saan nagdagdag lamang sila sa security systems.
Nasa higit 100 ang security officers na nandito sa loob ng mataas na kapulungan habang 1,500 naman ang augmentation o dagdag na mga tauhan mula sa Philippine National Police (PNP).










