Wednesday, May 20, 2026

PBBM, iispeksiyunin ang flood control project sa Araneta Avenue sa Quezon City

Iinspeksyunin ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ngayong umaga ang flood control project sa G. Araneta Avenue sa Quezon City, isa sa mga lugar na madalas lubog sa baha tuwing malakas ang ulan.

Batay sa datos ng Department Of Public Works And Highways (DPWH), kabilang ang Araneta Avenue, partikular ang Tatalon, at Doña Imelda sa mga lugar na madalas bahain kaya isinailalim ito sa rehabilitasyon.

Pinalitan sa proyekto ang dating 36-inch drainage pipe at nilagyan ng mas malalaking 1.5-meter pipes para mas mabilis dumaloy ang tubig baha papunta sa San Juan River.

Target ng proyekto na mapabilis ang paghupa ng baha mula halos 20 oras noon hanggang mahigit tatlong oras na lamang.

Inaasahan ding mabawasan ang matinding trapiko tuwing umuulan.

Magkakaroon din ng pumping station na may dalawang water pumps para makatulong sa mas mabilis na paglabas ng tubig baha sa lugar.

Kasabay rin nito ang tuloy-tuloy na dredging o paghuhukay ng burak sa San Juan River para mapabilis pa ang daloy ng tubig.

Sinimulan ang proyekto noong Marso 2025 at target itong matapos sa Mayo 2026.

Aabot sa halos P482 million ang pondong inilaan para rito sa ilalim ng “Oplan Kontra Baha” ng administrasyon.

Samantala, dahil sa isinasagawang inspeksiyon at aktibidad ngayong umaga, pansamantalang isinara ang isang bahagi ng Araneta Avenue papuntang Cubao kaya nagsisiksikan ang mga sasakyan sa kabilang linya patungong Welcome Rotonda na nagdulot ng matinding trapiko sa lugar.

Facebook Comments