Wednesday, August 5, 2026

OVP, walang isinumiteng official receipts sa liquidation report ng confidential funds

Walang kalakip na official receipts o OR ang Office of the Vice President (OVP) sa isinumiteng liquidation report sa Commission on Audit (COA) kaugnay sa paggamit ng P125 million confidential funds mula December 21 hanggang 31, 2022.

Sa impeachment trial ngayong araw ay sinabi ni COA Auditor Roderick Wamil na ito ang kauna-unahang beses na puro acknowledgement receipts (AR) ang isinumite ng isang ahensya sa liquidation report.

Gayunman, hindi batid ni Wamil kung ito ba ang standard practice dahil ito lang ang mga ahensyang nagsumite sa kanila ng puro ARs.

Ayon kay Wamil, ang mga ahensya na gumagamit ng confidential at intelligence funds ay kinakailangang magsumite ng mga supporting documents tulad ng ORs o sales invoice na magiging batayan sa pinaglaanan ng pondo.

Nang matanong ni Senator-judge Kiko Pangilinan kung required o obligado ba ang mga government agencies na may confidential intelligence funds na magsumite ng OR o sales invoice, iginiit ni Wamil na kailangan ito.

Aniya, kung isinumite ang mga official receipts o sales invoice ay mabeberipika sana ng COA kung talagang totoo ang nakasaad sa liquidation report ng confidential funds ng OVP.

Facebook Comments