Thursday, August 6, 2026

Ilang transport group, binawi ang ikakasa sanang transport holiday

Hindi na itutuloy ng iba’t ibang transport group ang kanilang ikakasa sanang transport holiday bukas.

Ayon kay Pasang Masda President Obet Martin, ito ay kasunod ng pag-uusap nila ni Department of Transportation (DOTr) Sec. Banoy Lopez.

Naglatag kasi ang DOTr ng mga hakbang para maibsan ang epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Kabilang na rito ang P12 fuel discount, P1.5-B public transportation modernization program amortization subsidy at pagsama sa mga tsuper sa Unified Package for Livelihoods, Industry, Food, and Transport (UPLIFT) cash assistance mula sa DSWD na P2,000.

Ani Martin, suportado ito ng mga transport group gaya ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), Busina, Alliance of Concerned Transport Organizations (ACTO), Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) at iba pang grupo.

Pero para sa grupong MANIBELA, tuloy ang isasagawa nilang tatlong araw na tigil-pasada.

Sinabi ni MANIBELA Chair Mar Valbuena, wala pang desisyon ang kanilang grupo kung hindi na sila magpapatupad ng tatlong araw na transport strike dahil sa mga pangako ng DOTr.

Facebook Comments