
Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na natanggap niya mismo ang pisikal na kopya ng warrant of arrest ng International Criminal Court (ICC) laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Ayon kay Pangulong Marcos Jr., natanggap niya ang kopya mula kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla alas-3:00 nang madaling araw kahapon, March 11.
Natanggap naman aniya ng Department of Justice (DOJ) ang warrant of arrest ng Interpol bandang alas-6:30 nang umaga at tsaka nila nilatag ang proseso ng pag-aresto.
Giit ng Pangulo, mayroong malinaw na dokumento ang warrant of arrest na naging basehan ng pagpapatupad ng pamahalaan sa pag-aresto kay dating Pangulong Duterte.
Agad na inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa arrest warrant sa dating Pangulo matapos matanggap ang kopya ng Interpol Manila.