Wednesday, October 7, 2026

Testimonya ng AMLC executive director sa impeachment trial ni VP Sara, hindi napatunayan ang paratang ni Trillanes laban sa pangalawang pangulo

Itinanggi ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang pahayag na napatunayan umano ng testimonya ng isang opisyal ng Anti-Money Laundering Council o AMLC ang mga alegasyon ni dating senador Antonio Trillanes IV.

Ayon kay Vice Presidential Spokesperson Salvador Paolo Panelo Jr., ang ipinakita lamang umano sa testimonya ni AMLC Executive Director Atty. Ronel Buenaventura ay ang mga covered at suspicious transaction reports na isinumite ng mga bangko.

Giit ni Panelo, hindi umano nito pinatutunayan na iligal ang pinagmulan ng pera, itinago ang mga ito, o pagmamay-ari mismo ng bise presidente ang mga naturang pondo.

Dagdag pa ni Panelo, ilegal umano ang paraan ng pagkuha ni Trillanes ng impormasyon dahil taliwas ito sa Anti-Money Laundering Act at Bank Secrecy Laws.

Tinawag din ni Panelo si Trillanes na isang “propagandista laban sa Duterte” na umano’y umaasa sa mga sabi-sabi, haka-haka, at mga alegasyong walang sapat na ebidensya.

Iginiit niya na ang mga paratang ni Trillanes ay hindi dapat ituring na kapani-paniwala at mas nararapat umanong pagbatayan ang mga ebidensyang maaaring suriin sa korte.

Facebook Comments