
Inatasan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang mga kinauukulang ahensya na mag-angkat ng bigas para matiyak na hindi magkukulang ang suplay ng pagkain sa gitna ng inaasahang epekto ng Super El Niño.
Ayon sa pangulo, bagama’t nais niyang umasa ang bansa sa sariling produksiyon at iwasan ang importasyon, mas mahalagang matiyak na may sapat na bigas ang bansa.
Giit ni Marcos, kailangang makasiguro ang pamahalaan sa suplay upang hindi maubusan ng bigas ang Pilipinas sa harap ng posibleng matinding tagtuyot.
Samantala, tiniyak ng pangulo na sapat din ang suplay ng karne sa bansa.
May sobra pa aniya sa produksiyon ng manok kaya bahagyang bumababa ang presyo nito.
Gayunman, nagbabala si Marcos na posibleng pinakamatinding maapektuhan ng El Niño ang gulay dahil sa kakulangan ng tubig at pagkatuyo ng mga pananim.










