
Nanindigan ang kampo ni dating House Speaker at Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez na hindi ito sangkot at walang ebidensyang mag-uugnay sa kanya sa mga maanomalyang flood control project.
Sa katunayan, ayon kay Atty. Ade Fajardo, abogado at tagapagsalita ni Romualdez, mismong ang Independent Commission for Infrastructure (ICI) ay walang nakitang pananagutan ni Romualdez hinggil sa flood control scandal.
Pahayag ito ni Fajardo matapos kumpirmahin ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na malapit na nilang kasuhan ng plunder si Romualdez dahil matatapos na ang fact-finding.
Ayon kay Fajardo, handa si Romualdez na harapin ang anumang reklamong ihahain ng Ombudsman kaugnay ng flood control scam.
Tiniyak ni Fajardo na hindi tatakas si Romualdez sa kanyang pananagutan at mananatili ito sa Pilipinas, kung saan abala siya sa pagtupad ng kanyang tungkulin bilang kinatawan ng Leyte.
Pinaalala naman ni Fajardo na kailangang bigyan ng pagkakataon si Romualdez na pormal na sumagot sa mga paratang bago magkaroon ng konklusyon.










