
Wala pang natatanggap na pormal na request ang Malacañang mula sa Senado para magpatawag ng special session si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., kaugnay sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Presidential Communications Office o PCO Usec. at Palace Press Officer Atty. Claire Castro, kailangan talagang manggaling ito sa Senado.
Malalagay sa awkward position ang pangulo kung boluntaryo niyang ipatatawag ang special session sa gitna ng mga intrigang siya ang nasa likod ng pagpapatalsik kay Duterte.
Ayon kay Castro, bagama’t nakalagay sa probisyon ng Konstitusyon ang katagang “fortwith” o agad na pagtalakay ng Senado sa impeachment, hindi naman tinukoy kung maaari itong gawin sa panahon ng recess o bakasyon ng Kongreso.
Nilinaw naman ng opisyal na legal sa ilalim ng Saligang Batas ang pagpapatawag ng pangulo ng isang special session para talakayin ang impeachment, at hindi lang limitado sa mga panukalang batas na pinamamadaling maipasa.