
Mariing kinondena ng National Police Commission (NAPOLCOM) ang umano’y pananaksak at pagpatay kay Police Senior Master Sergeant Zaldy Castillo Dela Peña ng Quirino Police Provincial Office (QPPO), matapos nitong subukang awatin ang dalawang lalaking nag-aamok ng gulo sa isang sari-sari store sa Barangay San Marcos, Cabarroguis, Quirino noong Biyernes ng gabi, July 1.
Ayon sa ulat, sinubukan umanong bumili ng alak ng mga suspek sa isang tindahan pasado alas-onse ng gabi, pero hindi umano ito pinagbentahan ng tindera dahil sa curfew restrictions.
Dahil dito, nag-amok umano ng gulo ang mga suspek sa tindahan, kaya agad itong nilapitan para awatin ng biktimang pulis na naghahapunan sa katabing establisyimento habang off-duty.
Gayunpaman, dumukot umano ng patalim ang isa sa mga suspek saka sinaksak ang pulis, sabay kumaripas ng takbo kasama ang isa pang suspek.
Naitakbo pa umano ang pulis sa Quirino Provincial Medical Center (QPMC) pero idineklara rin itong dead on arrival.
Samantala, nangako naman ang NAPOLCOM na agad nilang ipoproseso ang pagri-release ng lahat ng welfare benefit ng pulis para maibigay sa naiwang pamilya.
Giit pa ni Commisioner Ralph Calinisan, hindi umano titigil ang NAPOLCOM hangga’t hindi napapanagot sa batas ang mga suspek.










