
Ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ang agarang imbestigasyon sa pagkamatay ng dalawang student-athlete ng Ateneo de Manila University (ADMU) na sina Rene Baterbonia at Divine Adili.
Kasabay nito, nagpaabot ng pakikiramay ang pangulo at ang Malacañang sa mga naiwang pamilya ng dalawang estudyante.
Ayon kay Palace Press Officer at PCO Undersecretary Claire Castro, nais ng pangulo na agad mabigyang-linaw ang insidente at matukoy kung ano ang tunay na dahilan ng trahedya.
Lumilitaw na may mga katanungan kaugnay ng training na pinagdaanan ng dalawang atleta bago sila nasawi.
Dahil dito, iginiit ng Palasyo na kailangang magkaroon ng masusing at mabilis na imbestigasyon upang malaman ang buong katotohanan.
Sinabi ni Castro na bagama’t nakikitang may naging problema sa isinagawang training na nauwi sa pagkamatay ng mga estudyante, hindi pa dapat magbigay ng pinal na paghuhusga hangga’t hindi natatapos ang imbestigasyon.
Dagdag pa niya, mahalagang hintayin ang magiging findings ng mga awtoridad upang matukoy kung may pananagutan at kung paano nangyari ang insidente.










