
Nagkasundo ang mga miyembro ng mayorya sa Senado na i-donate ang isang buwang sahod ng mga senador para sa relief efforts ng mga biktima ng 7.8 magnitude na lindol sa Mindanao.
Sa joint statement ng new majority bloc, nagpahayag ang grupo ng pakikiisa sa mga pamilya at komunidad na patuloy na humaharap sa rescue, relief, rebuilding, at recovery matapos ang malakas na lindol.
Ayon sa kanila, ang isang buwang sahod na donasyon ay personal na kontribusyon upang makatulong sa mga apektadong lugar sa iba’t ibang lalawigan sa rehiyon.
Hinimok din ng mayorya ang mga senador mula sa minority bloc na makiisa sa kanilang inisyatiba bilang pagpapakita ng pagkakaisa sa gitna ng trahedya.
Giit ng grupo, panahon ito upang ipakita ang malasakit sa mga kababayan sa kabila ng pagkakaiba sa politika sa loob ng Senado.
Ang donasyon ay ilalaan sa pagkain, malinis na tubig, gamot, temporary shelter, at iba pang pangangailangan ng mga apektadong komunidad batay sa pagtukoy ng mga lokal na awtoridad at responders sa ground.










