Kasunod ng pananalasa ng Super Typhoon Inday, sinabi ng PDRRMO na nananatili silang nakaalerto sa banta ng tuloy-tuloy na pag-ulan at iba pang posibleng panganib na maaaring maranasan ng mga residente.
Sa panayam ng IFM Dagupan kay PDRRMO Operations Head Vincent Chiu, sinabi nitong nasa Yellow Warning Signal pa rin ang lalawigan, na nangangahulugang nananatili sa below critical level ang kasalukuyang sitwasyon.
Bagama’t wala pang naitatalang insidente ng flash flood, patuloy namang mino-monitor ng kanilang tanggapan ang mga localized na pag-ulan at regular na naglalabas ng mga advisory sa mga lugar na posibleng maapektuhan, kabilang ang mga paaralan sa ilalim ng Department of Education o DepEd.
Ayon pa kay Chiu, tuloy-tuloy rin ang koordinasyon ng PDRRMO sa mga coastal communities at iba’t ibang national government agencies upang matiyak ang agarang pagtugon at maibigay ang kinakailangang augmentation sakaling magkaroon ng anumang insidente.
Inaasahan naman umano ang pagbuti ng lagay ng panahon sa mga susunod na araw.
Samantala, muling pinaalalahanan ang mga mangingisda na huwag munang pumalaot habang nananatiling hindi maganda ang kondisyon ng karagatan habang ang mga beachgoers na iwasan muna ang pagpunta sa mga dalampasigan.
Pinag-iingat din ang mga motorista dahil sa madulas na mga kalsada at mababang visibility na dulot ng patuloy na pag-ulan.
Samantala, sa hiwalay na panayam, sinabi ni Assistant PDRRM Officer Avenix Arenas na nakaantabay ang kanilang tanggapan sa lahat ng mga lokal na pamahalaan sa lalawigan upang agad na makapagbigay ng augmentation at mabilis na makatugon sakaling magkaroon ng mga insidenteng nangangailangan ng agarang aksyon. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










