Dinagsa sa Malasiqui, Pangasinan ang Philippine Statistics Authority (PSA) Mobile Civil Registration System (CRS) Service Caravan matapos mapuno ang mga slot para sa ikalawang araw ng serbisyo.
Batay sa ulat ng lokal na pamahalaan, nagsimula ang tatlong araw na caravan noong Hulyo 13 at magtatagal hanggang bukas, Hulyo 15, para mailapit sa mga residente ang iba’t ibang serbisyo ng PSA nang hindi na kailangang bumiyahe.
Hanggang 100 kliyente bawat araw ang tinatanggap para sa pagkuha ng birth, marriage at death certificates, CENOMAR o CEMAR, CENODEATH o CEDEATH, pagpaparehistro at pag-update ng National ID, at pagkuha ng printed-in-paper na National ID.
May kaukulang service fees ang ilang serbisyo, kabilang ang ₱155 para sa birth, marriage at death certificates at ₱210 para sa CENOMAR at CENODEATH.
Kaugnay nito, puno na ang lahat ng slot ngayong araw, ngunit maaari pang magparehistro ang mga interesado para sa huling araw ng caravan bukas, Hulyo 15, hanggang maubos ang mga ito.
Dahil first come, first served ang pagbibigay ng mga slot, hinikayat ng lokal na pamahalaan ang mga residente na pumunta nang maaga upang makakuha ng pagkakataong makakuha ng serbisyo. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣








