Petisyon para hilingin na mapabalik sa bansa si dating Pangulong Rodrigo Duterte, inihain sa Korte Suprema

Nagtungo si dating Chief Presidential Legal Counsel Atty. Sal Panelo at anak nito na si Atty. Salvador Paolo Panelo Jr. sa Korte Suprema para maghain ng Petition for Habeas Corpus.

Ito’y dahil sa ginawang pag-aresto kay dating Pangulong Rodrigo Duterte matapos ang inilabas na warrant of arrest dahil sa naging madugong kampaniya nito noon kontra iligal na droga.

Mismong si Veronica “Kitty” Duterte ang petitioner kung saan hihilingin nila sa Korte Suprema na pilitin ang gobyerno na ibalik sa bansa ang dating pangulo.


Nanindigan si Panelo, na ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay iligal dahil ang ICC o International Criminal Court ay wala nang hurisdiksyon sa Pilipinas kung saan umiiral naman ang sariling justice system sa bansa.

Paliwanag pa ni Panelo, hindi rin naging makatarungan ang pag-aresto at pinagkaitan ng legal na representasyon ang dating pangulo.

Nais din nila managot ang gobyerno dahil tila hindi na nirerespeto ang soberanya ng bansa kung saan isinuko nito ang isang Pilipino nang hindi dumaan sa tamang proseso ng batas.

Facebook Comments