Friday, April 17, 2026

Petition for bail nina dating Rep. Arnie Teves at kapwa akusado sa murder case noong 2019, pinagbigyan ng korte

Pinagbigyan ng korte sa Maynila ang hiling ng kampo ni dating Negros Oriental 3rd District Representative Arnolfo Teves Jr. at mga kapwa akusado na makapaghain ng piyansa.

Kaugnay ito sa kasong murder na kinakaharap ni Teves sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 30, kung saan itinuturo siyang utak sa pagpatay kay Pacito Libron sa Bayawan City noong 2019.

Ayon sa Manila RTC, naghain ng magkakahiwalay na not guilty plea ang kapwa akusado ni Teves na sina Richard Cuadra at Rolando Pinili, habang wala namang ipinasok na plea ang dating kongresista kaya’t awtomatiko itong inilagay sa not guilty plea para sa pag-usad ng pre-trial.

Pinayagan naman ni Presiding Judge Ryan Philipp Bartolome ang petition for bail na inihain ng mga akusado, kung saan tig-₱250,000 ang piyansa nina Cuadra at Pinili, habang kalahating milyong piso naman para kay Teves.

Itinakda ang initial presentation ng mga ebidensiya ng prosekusyon sa June 23.

Pero ayon sa abogado ni Teves na si Atty. Ferdinand Topacio, hindi ibig sabihin nito ay makakalaya na si Teves dahil kasalukuyan pa itong may kinakaharap na kaso kaugnay ng pagpaslang kay dating Governor Roel Degamo at siyam pa noong 2023.

Facebook Comments