Philippine Coast Guard, handang-handa na sa pagbibigay ng seguridad para sa inagurasyon ni President-elect Bongbong Marcos

32

All systems go na para sa Philippine Coast Guard (PCG) ang pagbibigay nila ng seguridad para sa nakatakdang inagurasyon ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa Hunyo 30.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni PCG Spokesperson Commodore Armand Balilo na puspusan ang ginagawa nilang paghahanda sa security operations katuwang ang Philippine National Police (PNP) at Armed Forces of the Philippines (AFP) upang matiyak na magiging mapayapa at ligtas ang inagurasyon ni PBBM.

Ayon kay Balilo, magpapakalat sila ng floating assets sa paligid ng National Museum maging sa Malacañang, mayroon din silang ide-deploy na barko sa Manila Bay at nakahanda ang kanilang reserved force saka-sakaling kailanganin ng PNP bilang augmentation sa kanilang civil disturbance unit.


Samantala, paiiralin din ang ‘no sail zone’ sa Pasig River at sa Malacañang restricted area habang sa Manila Bay ay maaari namang maglayag ang mga sasakyang pandagat.

Kasunod nito, nanawagan si Balilo ng kooperasyon sa publiko.

Aniya, kung may kahina-hinalang kilos o galaw ng isang indibidwal o grupo ay agad na ipagbigay alam sa kinauukulan upang ganap na maging matagumpay ang inagurasyon ng ika-17 pangulo ng Republika na si Bongbong Marcos.



Facebook Comments