
CAUAYAN CITY- Isang sundalo mula sa Kalinga ang kabilang sa dalawang piloto na nasawi sa pagbagsak ng FA-50 fighter jet sa Bukidnon kamakailan.
Kinilala ang nasawing sundalo na si Major Jude Salang-oy, mula sa Tabuk City, Kalinga.
Ang FA-50 fighter jet ay bumagsak sa Mount Kalatungan Complex, Bukidnon, matapos mawalan ng contact noong ika-apat ng Marso, habang nagsasagawa ng combat support mission laban sa mga hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA).
Kinumpirma ng mga awtoridad na natagpuan ang kanilang mga labi sa loob ng eroplano noong ika-lima ng Marso.
Dahil sa bulubunduking lokasyon at masamang panahon, naging hamon para sa mga otoridad ang search and rescue operation.
Samantala, tiniyak ng Philippine Air Force (PAF) ang isang malalimang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente.