
Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability Chairman at Manila Rep. Joel Chua, inaasahang tututok ang agenda ng plenary session ng Kamara mamayang hapon sa proseso ng impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.
Sabi ni Chua, sa session mamaya ay gagawin ang sponsorship at pagdepensa ni House Justice Panel Chairperson Rep. Gervill Luistro sa committee report na kinapapalooban ng resolution at articles of impeachment.
Bahagi aniya ng proseso ang pagkakaroon ng interpelasyon kung saan bibigyan ng pagkakataon ang mga kongresista na magtanong, makipagdebate o maglahad ng pagsuporta sa committee report.
Binanggit ni Chua na masusundan ito ng botohan kung saan base sa 1987 Constitution ay kailangan itong makakuha ng 106 na boto o one-third votes ng 318 mga miyembro ng Kamara para mai-transmit ang Articles of Impeachment sa Senate Impeachment Court na siyang magsasagawa ng paglilitis.
Diin ni Chua, sa “prayer” na nakapaloob sa Articles of Impeachment ay nakasaad ang pagtanggal kay VP Sara sa pwesto at perpetual disqualification o habambuhay itong pagbabawalan na mahalal at humawak ng pwesto sa gobyerno.
Nitong mga nagdaang araw, ilang kongresista ang nagsabi na base sa kanilang mga nakausap at monitoring ay posibleng lumampas pa sa 200 ang boboto pabor sa pagpapa-impeach kay VP Duterte.










