
Muling nagsagawa ng protesta sa harapan ng Embahada ng Tsina sa Lungsod ng Makati ang iba’t ibang grupo para igiit ang pagtatanggol ng Pilipinas sa West Philippine Sea at kondenahin ang patuloy na tensyon sa rehiyon.
Ayon kay Alyansa Bantay Kapayapaan at Kaunlaran (ABKD) Spokesperson RJ Villena, mariin nilang kinokondena kasama ang Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement ang patuloy na umano’y agresibong kilos ng China sa West Philippine Sea.
Kabilang dito ang presensiya ng kanilang mga barko sa loob ng karagatang sakop ng Pilipinas, mga insidente ng pangha-harass sa mga mangingisda, sundalo at sibilyang misyon.
Kasama na rin dito ang pagpapaputok ng flares laban sa mga patrol ng Philippine Coast Guard (PCG) sa Panganiban (Mischief) Reef at Zamora (Subi) Reef.
Inupakan din ng mga grupo ang patuloy na paggigiit ng China sa tinatawag nitong “nine-dash line” na walang ligal na batayan sa ilalim ng international law at isa sa mga pangunahing pinagmumulan ng tensiyon sa rehiyon.
Kinondena rin ng grupo ang mga babala ng China kaugnay ng pakikipagtulungan ng Pilipinas sa mga kaalyadong bansa sa ilalim ng Balikatan Exercises.
Iginiit din ng grupo na magpapatuloy sila sa mapayapang adbokasiya para sa soberanya at karapatan sa karagatang sakop ng Pilipinas.










