PANUKALANG PAGPAPALIBAN NG BSKE 2026, PASADO SA KAMARA; ILANG BOTANTE, NAGPAHAYAG NG OPINYON

Pasado na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara de Representantes ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections o BSKE 2026, kasama ang panukalang pagpapalawig sa termino ng mga kasalukuyang opisyal.

Pasado na rin sa pangalawang pagbasa sa senado ang isang panukalang may kaparehong konteksto at layunin ng naunang panukala.
Sa huling panayam kay Acting Executive Secretary Ralph Recto, sinabi nitong pipirmahan ng Pangulo ang panukala oras na maipasa ito sa Malacañang.

Samantala, magkakaiba naman ang pananaw ng mga botante sa napipintong pagpapaliban ng halalan.

Para kay Aling Bing, mas nais niyang matuloy ang BSKE 2026 upang magkaroon muli ng pagkakataon ang mga mamamayan na pumili ng lider na nais nilang mamuno sa kanilang barangay.

Umaasa rin ang mga botante sa mas maayos at dekalidad na serbisyo publiko, lalo na mula sa mga lider na walang bahid ng korapsyon.

Ganoon din ang pananaw ng estudyanteng si Jhondave na pabor sa pagpapatuloy ng halalan ngayong taon.

Pabor naman si Aling Janice sa postponement ng BSKE.

Ayon sa kaniya, makapagbibigay ito ng karagdagang panahon sa mga kasalukuyang nakaupong opisyal upang maipagpatuloy ang kanilang serbisyo at pagtugon sa pangangailangan ng kanilang mga nasasakupan.

Samantala, nagpapatuloy pa rin ang Commission on Elections o COMELEC sa mga hakbang at paghahanda para sa BSKE 2026 habang wala pang pinal na batas na nagpapatupad sa pagpapaliban ng halalan. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments