Thursday, July 16, 2026

PNP Chief Nartatez, iniutos ang mas maigting na pagtugis sa isa pang suspek sa pagpatay sa American marine biologist sa Negros Occidental

Ipinag-utos ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen Jose Melencio Nartatez Jr. sa lahat ng unit ng pulisya na may kaugnayan sa imbestigasyon sa pagpatay sa US Marine Biologist na si Dr. Kent Carpenter na mas paigtingin pa ang kanilang manhunt operation laban sa natitirang suspek sa krimen.

Nabatid na nauna nang naaresto ng pulisya ang 3 sa mga suspek sa nasabing krimen habang ang ikaapat naman ay kinilala ng mga awtoridad na si alyas “Eden” at syang pinaghahanap pa rin sa ngayon.

Ang nasabing ikaapat na suspek ay siya umanong tumangay sa mga ninakaw na gamit ng mga biktima.

Ayon kay PNP Chief Nartatez, puspusan na ang kanilang mga ginagawang intelligence gathering kasabay ng patuloy na pakikipag-uugnayan sa iba pang police unit para sa mas malalimang imbestigasyon sa kaso.

Giit ni Nartatez, hindi titigil ang pulisya hanggat hindi naaaresto ang lahat ng dawit sa krimen at mapanagot sa batas.

Patuloy naman ang panawagan ng PNP sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad sa pamamagitan ng pagbibigay ng anumang impormasyong maaaring makatulong sa agarang pagkakaaresto sa natitirang suspek sa krimen.

Facebook Comments