PNP Chief Rommel Marbil, pagpapaliwanagin ng DILG dahil sa pagdaan ng kanyang convoy sa EDSA busway

Pinagpapaliwanag ng Department of the Interior and Local Government (DILG) si Philippine National Police (PNP) Chief Gen. Rommel Marbil dahil sa pagdaan ng kanyang convoy sa EDSA busway kagabi.

Sa Malacañang press briefing, sinabi ni DILG Sec. Jonvic Remulla na wala siyang ideya sa pagdaan ng convoy ni Marbil sa busway.

Hindi niya pa makumpirma kung sakay sa convoy ang PNP chief kaya kakausapin niya muna ito.


Kinumpirma naman ng kalihim na ipinatawag niya sa isang pulong si Marbil kaugnay sa operasyon ng pulisya sa estudyanteng dinukot sa Taguig.

Gayunpaman, wala aniya siyang naging direktibang dumaan si Marbil sa busway.

Matatandaang idinahilan ni Marbil ang isang “emergency” kaya dumaan ang kanyang convoy sa busway.

Kasunod nito, nanawagan si Remulla sa mga opisyal at pulisya na huwag dumaan sa busway.

Wala aniyang sasantuhin ang mga awtoridad kahit sa hanay ng pulisya, na maaaring imbestigahan dahil sa pag-abuso sa kapangyarihan dahil sa pagdaan sa busway.

Facebook Comments