Wednesday, July 1, 2026

PNP, handa para sa ikalawang araw na rally ng religious group na INC

Inihanda ng Philippine National Police (PNP) ang bagong estratehiya nito para sa ikalawang araw ng rally ng religious group na Iglesia ni Cristo (INC) ngayong araw, July 1, para maiwasang maulit ang nangyaring pagsikip ng daloy ng trapiko dahil sa kanilang isinagawang kilos-protesta kahapon.

Ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr., nagbigay na ito ng direktiba sa lahat ng concerned units para isagawa ang nararapat na security at traffic management plans, sa pakikipagtulungan sa lokal na pamahalaan at mga organizer ng nasabing rally.

Nanawagan din si Nartatez sa mga organizer at kalahok na sundin ang mga kondisyon na ibinigay sa permit ng Quezon City Goverment na nagpapahintulot sa INC na magdaos ng rally sa White Plains Avenue mula 8 ng umaga hanggang 8 ng gabi ngayong araw.

Nakasaad sa permit na dapat manatili ang mga organizers sa itinakdang lugar at oras habang pinapatili ang pagsunod sa Batas Pambansa Blg. 880 o Public Assembly Act of 1985 na nagsasad na huwag hadlangan ang mga operasyong pangseguridad ng pulisya, iwasan ang ganap na pagsasara ng mga kalsada, at panatilihin ang kalinisan at kaayusan sa lugar.

Tiniyak naman ng PNP sa publiko na isasagawa nito ang lahat ng nararapat na hakbang para maiwasan ang abala, maiayos ang daloy ng trapiko at masigurado ang kaligtasan ng lahat pati na ang pagpapanatili ng maximum tolerance sa hanay ng pulisya habang nirerespeto ang karapatan sa pamamahayag.

Facebook Comments