
Umaabot sa mahigit ₱39 billion ang nadagdag sa orihinal na budget request ng Department of Education (DepEd) para sa taong 2026 na inaprubahan ng Budget Amendments Review Sub-Committee o BARSC pero kailangan pang dumaan sa plenaryo ng Kamara.
Sa pulong ng BARSC ay inihayag ni House Appropriations Committee Chairperson Rep. Mika Suansing na dinagdagan ng ₱13 billion ang alokasyon para sa Basic Education Facilities bukod sa ₱28 billion na hiniling ng DepEd sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program.
Sabi ni Suansing, kabuung ₱63 billion ang para sa pagpapatayo 25,000 classrooms sa 2026 na malaking tulong sa target ng Marcos Jr. administration na magtayo ng 40,000 classrooms sa susunod na tatlong taon.
Binanggit ni Suansing na ₱414 million naman ang idadagdag sa computerization program ng DepEd at ₱50 million sa pagbili ng mga libro at iba pang learning materials.
Dagdag pa ni Suansing, kasama din sa amendments sa budget para sa sektor ng edukasyon ang mahigit ₱4.4 billion na bayad sa deficiency para sa mga State Universites and Colleges sa pagpapatupad ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act.









