
Papayagan ng Philippine National Police (PNP) ang mga magsasagawa ng kilos-protesta ngayong araw, July 6, sa paligid ng Senado kahit walang permit kapalit ng mga kondisyon.
Ito ay kasabay ng unang araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay National Capital Region Police Office (NCRPO) Spokesperson Major Hazel Asilo, hindi umano nila huhulihin o itataboy ang mga grupong magsasagawa ng kilos-protesta kahit pa wala ni isa sa mga grupo ang nakakuha ng permit ngayong araw.
Alinsunod dito ay nagbaba ng mga kondisyon ang pambansang pulisya sa mga tagasuporta ng bise presidente maging sa mga pro-impeachment na dadalo sa rally.
Aniya, mahigpit na ipinagbabawal ang pagsisimula ng kaguluhan. Ipinagbawal din ang pagsasagawa ng kilos-protesta sa northbound lane ng Diokno Boulevard o sa mismong tapat ng gate ng senado.
Sa ngayon, mahigpit pa rin ang seguridad na ipinatutupad ng pulisya katuwang ang Office of the Sergeant-at-Arms Security Enforcement Service (OSAA-SES) sa paligid ng Senado bago magsimula ang mismong impeachment trial mamayang alas-2 ng hapon.
Ipinuwesto na rin ng pulisya ang mga barikada ng barbed wire sa Diokno Boulevard, Pasay City at may mga nag-iikot na K9 dogs para siguraduhin ang seguridad sa paligid ng Senado.










