
Sinisilip na ng Department of Justice (DOJ) ang posibilidad na hindi lamang simpleng kaso ng bullying ang nangyaring pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, tinitingnan din nila kung may kinalaman ito sa violent extremism gaya ng mga nangyayari sa ibang bansa.
Paliwanag ni Martinez, madali kasing maimpluwensyahan ang mga bata lalo sa mga nakikita nila sa online.
Inihalimbawa pa ni Martinez ang Columbine High School shooting noong 1999 na nagresulta sa pagkasawi ng 13 katao.
Dahil dito, iginiit ni Martinez ang kahalagahan ng masusing imbestigasyon para silipin ang patterns of behavior o mga kilos ng mga estudyante.
Lumabas sa paunang imbestigasyon ng mga awtoridad na bullying ang posibleng sanhi ng karumal-dumal na pamamaril na ikinasawi ng tatlong estudyante.










