
Nagbabala si Project NOAH (Nationwide Operational Assessment of Hazards) Executive Director Dr. Mahar Lagmay na hindi sapat na puro dike lamang ang itinatayong solusyon laban sa lumalalang pagbaha tuwing tag-ulan at mas matitinding pag-ulan dulot ng climate change.
Ayon kay Lagmay na kailangan ding palakasin ang mga nature-based solutions tulad ng retention basins, rainwater harvesting, sponge roads at bioswales upang mabawasan ang mabilis na pag-apaw ng tubig sa mga ilog at komunidad.
Binigyang-diin din nito ang kahalagahan ng malawakang pagtatanim ng puno sa upper watershed at mga urban area dahil nakatutulong ito sa pagsipsip at pagpigil sa rumaragasang tubig-baha kapag malakas ang ulan.
Mas magiging epektibo rin aniya ang pangmatagalan ang flood management ng bansa kung pagsasamahin ang konkretong imprastraktura at pangangalaga sa kalikasan sa ilalim ng tinatawag na hybrid solutions.










