
Naniniwala ang Philippine National Police (PNP) na may paglabag sa isyu ng privacy ang Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTr-SAICT) dahil sa paglalabas ng plaka ng sasakyan ng PNP na kanilang nahuling dumaan sa EDSA busway kagabi.
Ayon kay PNP Public Information Officer (PIO) Chief PCol. Randulf Tuaño sa normal na traffic violation, hindi na isinasapubliko ang pagkakakilanlan ng nahuli at hindi na rin ipinapakita ang plaka ng sasakyan.
Bagkus titiketan lamang ito dahil sa paglabag ng motorista.
Pero magkagayunman, hindi naman sinasabi ng PNP na mali o masama ang ginawa ng DOTr-SAICT dahil ginagawa lamang nila ang kanilang trabaho.
Dahil dito, nais ni Tuano na linawin ang proseso ng panghuhuli ng DOTr-SAICT dahil sa pagkakaalam nila ay pinapayagan naman ang PNP na dumaan sa bus lane lalo na kung may mahalagang operasyon.
Paliwanag nito, mahirap magkaroon ng koordinasyon lalo na kung may emergency.
Sa kabila nito, wala namang plano na magsampa pa ng reklamo ang PNP laban sa DOTr-SAICT dahil nais nilang pag-usapan na lamang ito.